Tuloy na ang extension ng buhay ng mga prepaid load sa mobile phones sa bansa at sisimulan itong iimplementa sa Linggo, Hulyo 19.
Ito ang tiniyak ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Senate committee on trade and commerce na pinamumunuan ni Sen. Mar Roxas.
Ayon kay NTC Commissioner Ruel Canobas, ang validity extension o pagpapahaba sa buhay ng load ay binasbasan na ng telecommunication companies (telcos) sa bansa.
“Kapag nailabas na ‘yung guideline nito magiging effective ito ng July 19,” ani Canobas.
Kung dati-rati ay pawang pananabon ang ibinabato nina Sen. Mar Roxas at Senate President Juan Ponce Enrile sa NTC at sa telcos, kahapon ay todo-papuri naman ang ibinigay ng dalawa dahil sa pagkakasundo nila sa pagpapalawig sa buhay ng load.
“Very Good! Congratulations sa NTC, Smart, Globe at Sun,” pagbati ni Roxas.
Sa bagong circular na ipinalabas ng NTC, ang P10 load na dating magagamit lamang sa loob ng isang araw ay tatagal na nang hanggang tatlong araw samantalang ang load na nagkakahalaga ng mahigit sa P10 hanggang P50 ay magkakabisa ng 15 araw mula sa kasalukuyang 3-5 araw lamang.
Samantala, ang mahigit P50 hanggang P100 load ay may buhay na ngayon na 30 araw; 45 araw sa above P100 hanggang P150 at 60 araw naman sa load na above P150 hanggang P250 at 75 araw sa load na above P250 hanggang P300 at ang load na lampas sa P300 ay hanggang 120 araw.
link:
http://www.abante.com.ph/issue/july1509/news02.htm