February 09, 2010 12:00 AM
MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ng ilang miyembro ng Senado at ng Catholic Bishops Conference of the Philippines si Senador Panfilo “Ping” Lacson na lumantad, sumuko at harapin ang kinakaharap nitong kasong murder kaugnay ng pagkakapaslang sa dating publicist na si Salvador Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.
Maging si Senador Rodolfo Biazon ay naniniwalang dapat sumuko si Lacson at isumite ang sarili nito sa korte.
Ayon kay Biazon, bahagi ng isang institusyon sa gobyerno si Lacson kaya dapat lamang na sumunod din ito sa proseso na dapat niyang harapin.
Ipinalabas noong nakaraang linggo ng Manila Regional Trial Court ang arrest warrant laban kay Lacson na napaulat na nagtago sa ibang bansa mula noong Enero ng taong ito.
Nanawagan din si CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs Chairman at Caloocan Bishop Deogracias Iniguez kay Lacson na lumantad at harapin ang naturang kaso.
Iginiit ni Iniguez na hindi sapat na dahilan ang pangamba ng senador sa umano’y harassment na isinasagawa laban sa kaniya ng administrasyong Arroyo upang patuloy aniya nitong iwasan ang kaso nito.
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni National Bureau of Investigation Director Nestor Mantaring na nakatanggap sila ng intelligence report na nasa Mindanao si Lacson at wala sa ibang bansa.
Bineberipika ng Comelec ang report na nakabalik na sa Pilipinas si Lacson at nagtatago ngayon sa Mindanao.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng Philippine National Police na si Chief Superintendent Leonardo Espina na, kahit dati nilang hepe si Lacson, hindi sila mangingiming arestuhin ito kung ito ang inuutos ng batas.
link:
http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=547971&publicationSubCategoryId=92